Kadalasan ay alagang-alaga at mahigpit na binabantayan ang mga bata para maiiwas sa kapahamakan, pero ibahin niyo ang kaso na ito sa New Zealand dahil isang bata ang isinilid sa isang maleta at inilagay pa sa mainit na compartment ng bus.
Kung ano na ang kalagayan ng bata matapos ang insidente, eto.
Binuksan ng bus driver ang luggage compartment ng kaniyang bus nang mag-request ang isang pasahero na buksan ito habang nakahinto sila sa Kaiwaka, North New Zealand.
Dito napansin ng driver ang isa sa mga kargang bagahe ng bus ay gumagalaw.
Inobserbahan muna ng driver ang maleta bago tuluyang binuksan at doon nadiskubre ang isang dalawang taong gulang na batang babae.
Dahil sa pagkabahala ay agad na humingi ng tulong ang driver sa mga otoridad at nang dumating ang New Zealand Police ay napag-alaman na ligtas ang bata ngunit mainit ang katawan nito.
Bukod pa riyan, hindi rin tukoy kung gaano katagal na nakasilid sa loob ng maleta at ng luggage compartment ang bata, o kung aling mga lugar ang dinaanan ng nasabing bus.
Matapos nito ay inaresto ang isang hindi tukoy na 27-anyos na babae na siyang naglagay sa bata sa nasabing compartment. Hindi rin malinaw kung ano ang kaugnayan nito sa biktim at nahaharap sa kasong ill-treatment or neglect of a child.
Samantala, nakaligtas naman ang bata matapos dalhin sa ospital ang bata at sumailalim sa medical assessment.
Sa mga magulang diyan, ano sa tingin niyo ang karampatang parusa na dapat matanggap ng babae?