Nananatiling mataas ang moral ng leadership matapos ang kumpirmasyon ng pagbibitiw sa posisyon ni House Speaker Martin Romualdez.
Ito ang sinabi ni House Deputy Speaker at Zambales Rep. Jhay Khonghun, sa ambush interview ng mga media personnel na buo ang suporta ni Speaker Romualdez kay incoming House Speaker at Isabela 6th District Rep. Faustino “Bojie” Dy.
Ayon kay Khonghun, mananatili at hindi titigil ang adhikain ng leadership maging ang institusyon na tulungan ang pamahalaan partikular si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Tiwala ang kongresista sa kakayahan ni Cong. Dy para pamunuan ang mababang kapulungan.
Nilinaw ng kongresista na ginawa ni Speaker Romualdez ang desisyon dahil mahal nito ang institusyon at administrasyon at para mahinto na ang mga akusasyon at patuloy na paninira sa mababang kapulungan.
Tiniyak naman ni Khonghun na tuloy-tuloy ang trabaho ng mga mambabatas sa Kamara lalo sa pagbuo ng mga panukalang batas at sa pagtupad sa kanilang tungkulin.



