Sa sobrang pagmamahal ng mga fur parents sa kanilang mga alaga, bitbit nila ang mga ito kahit saan man sila magpunta. Katulad ng fur parent na ito mula sa London na hindi alintana ang taas at lubak ng bundok, maitulak lang ang kartilya na sinasakyan ng kaniyang asong nag-aagaw buhay para siguraduhin na magiging memorable ang mga huling sandali nito sa mundo.
Ang kwento sa huling byahe ng aso na ito, eto.
Sabi nga nila, iba ang pagbilang sa edad ng mga aso kumpara sa edad ng mga tao. Ayon pa sa mga eksperto, umaabot lang ng 10-13 years ang average life expectancy ng mga aso. Katulad ng mga tao, nagkakasakit din ang mga ito at nangangailangan ng extra care. Kung kaya nga ang mga fur parents ay todo effort sa pagpapanatili sa kalusugan ng mga ito.
Kagaya na lang ng lalaki mula sa london na si Carlos Fresco, isang fur parent sa 10-year-old labradoodle na si Monty. Mula sa London, bumyahe ang dalawa patungo sa Wales para dalhin si Monty sa bundok sa huling pagkakataon.
Ito ang paraan na naisip ni fresco para siguraduhin na magiging memorable ang huling adventure ni monty na noong panahon na ‘yon ay mahigit isang taon nang lumalaban sa leukemia.
Ayon kay Fresco, hindi na nakakakuha ng sapat na oxygen ang muscles ni Monty at hindi na gaanong nakakalakad. Matapos kasi nitong dumaan sa chemotherapy ay bumalik ang cancer ni Monty.
Isang linggong nanatili si Fresco at Monty sa bahay ng kanilang kaibigan sa brecon at doon ipinasyal ang aso sakay ng isang wheelbarrow o kartilya.
Ayon kay Fresco, nagustuhan ni Monty ang sinakyan nitong kartilya at tuwang-tuwa ito sa nakuhang atensyon mula sa mga taong nakasalubong nila dahil malambing ito at mahilig makisalamuha.
Naging successful naman ang plano ni Fresco at bagama’t malubak ang daan, nagawa niyang iakyat si Monty sa bundok na tinatawag na Pen Y Fan habang sakay ito ng kartilya.
Pero sa kasamaang palad, habang nasa bakasyon ang dalawa ay tuluyang binawian ng buhay si monty matapos ang father’s day. Matapos nito ay inuwi na ni Fresco ang mga labi ni Monty sa London at inilibing sa kanilang garden.
Sa mga fur parents diyan, hanggang saan ang kaya niyong gawin para sulitin ang hiram na sandali na kasama niyo ang mga minamahal niyong alaga?