Tinawag na “hypocritical” ng Alliance of Concerned Teachers ang panawagan ni Vice President Sara Duterte sa mga guro na palakasin ang critical thinking ng mga estudyante.
Ayon kay ACT Chair Vladimer Quetua, walang “moral right” ang pangalawang pangulo na magsalita tungkol sa critical thinking lalo’t napuno mismo ng kontrobersya ang panunungkulan niya bilang kalihim ng Department of Education.
Kabilang sa mga kontrobersyang kinaharap ng DepEd sa pamumuno ng bise presidente ang confidential funds, pagtutulak ng mandatory ROTC, red-tagging laban sa mga guro, at ang sinasabing militarisasyon ng kagawaran.
Maliban dito, nananatiling malubha rin ang mga problema sa edukasyon noong dalawang taon na nasa DepEd ang VP, kabilang ang kakulangan ng silid-aralan, libro at iba pang learning materials, hindi nababayarang benepisyo ng mga guro, at malawakang mismanagement ng budget.