Tinalakay ni Tagapangulong Barrios-Taran sa sesyong plenaryo ng Ikalawang Internasyonal na Kumperensiya para sa Kultura, Sining, at Isports noong 27 Agosto 2025, ang paksang: “Mga Nanganganib na Wika sa Pilipinas at Interbensiyon ng Komisyon sa Wikang Filipino.”
Inilahad niya na “Ang pangangalaga ng mga wikang nanganganib sa Pilipinas ay isang masalimuot na gawain na mayroong sámot-sarìng salik na dapat bigyang konsiderasyon.
Di masusukat ang pagbibigay halaga sa wika at praktikal na paggámit nito sa pang-araw-araw na komunikasyon.” Iginiit din niya na, “Palakasin ang pagtuturo ng sociolinguistics at preserbasyon ng wika at pagsasagawa ng mga proyektong pang-edukasyon na nakasentro sa wika.
Dapat magtaguyod ng matibay na kolaborasyon sa pagitan ng komunidad, akademya, at gobyerno para sa praktikal na aplikasyon ng mga resulta ng pananaliksik.”
Nagkaloob din ng mensahe si Komisyoner Carmelita C. Abdurahman at binigyang-diin niya na, “Hinihiling ko sa lahat—mga gumagawa ng polisiya, mga guro, mga pinuno ng komunidad, mga pamilya, at mga kasamahan—na isabuhay natin ang pagtataguyod ng ating wika.
Kapuwa nating tuparin ang adbokasiya ng RA 7104 sa pamamagitan ng pagkilos sa pagpapayabong ng ating wika at kultura.” Ang programa ay magkatuwang na itinataguyod ng Samahan ng mga Guro at Iba pang Propesyonal sa WIKA (SAGIP-WIKA), Departmento ng Filipino ng Cebu Normal University, Sentro ng Wika at Kultura (SWK-7), at Kabataang Pilipino sa Larangang Akademiko (KAPILAK) ang naturang kumperensiya.
Kasama sa mga larawan ang pamunuan at mga miyembro ng SAGIP-WIKA, Dr. Alex Y. Tiempo, Dekano ng CCAS at Dr. Jiolito Benitez, dating Dekano ng CAS ng Cebu Normal University, mga guro mula sa President Carlos P. Garcia Memorial High School, Capiz State University, at Cebu Normal University, mga guro at mag-aaral mula sa Carcar Central National High School, Mindanao State University-Iligan Institute of Technology, Mindanao State University-Main, at iba pang mga kalahok mula sa iba’t ibang paaralan, kolehiyo, at unibersidad.