Kinasuhan na ang tatlong guwardiya sa isang subdivision sa Quezon City matapos harangin ang mga pulis na mag-iimbestiga sa suv driver na sangkot sa hit-and-run incident sa Mandaluyong City.
Ayon kay Mandaluyong City Police Chief, Col. Gauvin Mel Unos, kasong ‘obstruction of justice’ ang isinampa laban sa mga guwardya, kabilang ang security officer ng Ayala Heights, sa barangay Old Balara.
Dalawang beses umanong nagtangkang pumasok sa exclusive subdivision ang mga pulis pero hindi sila pinapasok ng mga security guard.
Base sa record ng Land Transportation Office, isang Jose Antonio San Vicente ang nagma-may-ari ng puting Toyota RAV-4 na may plakang NCO-3781 na bumundol at sumagasa sa security guard ng SM Megamall na si Christian Floralde.
Hindi pa masabi ng mga otoridad kung nasangkot na ang may-ari ng sasakyan sa dating kaso at kung may koneksyon siya sa mga pulis.
Nahaharap ang driver ng suv sa kasong frustrated murder at abandonment of one’s own victim at bagaman pinadalhan ng show cause order, hindi naman ito sumipot sa pagdinig ng L.T.O.