Sa murang edad ay agad na nagwakas ang buhay ng isang baby sa Louisiana, USA, matapos itong maiwan ng kaniyang tatay sa loob ng sasakyan sa loob ng ilang oras. At para palalain pa ang sitwasyon, nakaparada ang sasakyan sa ilalim ng mainit na panahon.
Ang detalye ng nakapanlulumong pagkamatay ng bata, eto.
Pasado alas dos ng madaling araw nang dumating ang 32-anyos na si Joseph Boatman sa bahay ng kaniyang kaanak sa Madisonville, Louisiana, USA, para sunduin ang kaniyang 21-month old baby.
Isinakay umano ni Boatman ang kaniyang anak sa car seat bago muling pumasok sa loob ng bahay.
Nadiskubre na lang ng isang kaanak pagdating ng tanghali na naiwanan pala sa loob ng sasakyan ang bata.
Agad itong tumawag sa mga otoridad ngunit ayon sa St. Tammany Parish Sheriff’s Office (STPSO), idineklarang patay ang bata sa pinangyarihan ng insidente.
Sa kasamaang palad, mainit ang panahon sa Madisonville nang mangyari ang insidente at umabot ng 104 degrees fahrenheit ang heat index. Sa katunayan, pumalo ng 94 degrees fahrenheit ang temperatura sa nasabing lugar nang maiwan sa loob ng sasakyan ang bata.
Ayon sa mga imbestigador, marami umanong nakonsumong alak si Boatman bago pa sunduin ang kaniyang anak.
Samantala, hawak naman na ito ng mga otoridad at nasampahan ng kasong second-degree murder at maaaring magpyansa sa halagang mahigit 40 million pesos.
Sa mga mahilig uminom diyan, drink responsibly. Pero kung ikaw ay may anak na, maging responsable munang mga magulang bago unahin ang pakikipag-inuman.