Monthly Archives
July 2025
Arestado ang walumpu’t dalawa (82) katao sa isinagawang one-time big-time operation ng Makati-PNP sa iba’t ibang bahagi sa lungsod.
Kakasuhan ng paglabag sa city ordinance ang mga dinakip na pawang nag-iinuman sa kalsada at mga menor de edad na lumabag sa curfew.
Mayroon ding ilan na naaktuhan na gumagamit ng iligal na droga, habang mayroong apat na may standing warrant of arrest sa iba’t ibang kaso.
Sasailalim pa sa verification ang mga inaresto para matukoy kung may iba pa silang kinakaharap na kaso.
By Meann Tanbio
82 arestado sa one-time big-time ops ng PNP sa Makati was last modified: July 13th, 2017 by DWIZ 882
Patay ang walong (8) mga rebelde at isang sundalo sa engkwentro sa pagitan ng gobyerno at New People’s Army o NPA sa Laak, Compostela Valley.
Ayon kay 10th Infantry Division Spokesman Captain Alexander Cabales, nagpapatrolya ang mga sundalo mula sa 25th at 60th Infantry Battalion sa barangay LS Sarmiento nang atakihin ng apatnapung (40) NPA guerillas bandang alas-8:30 ng umaga kahapon.
Tinukoy ni Cabales na ang mga umatakeng rebelde ay mula sa Pulang Bagani Company 4.
Nakuha sa mga bangkay ang limang M-16 rifles at isang machine gun.
Kaugnay nito, sinabi ni Cabales na nananatili silang alerto kasunod ng intelligence report na magkakasa pa ang NPA ng iba pang pag-atake habang papalapit ang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.
By Rianne Briones
8 rebelde patay sa engkwentro sa militar sa Compostella Valley was last modified: July 13th, 2017 by DWIZ 882
Balik-Scarborough o Panatag Shoal ang mga mangingisdang Pilipino sa kabila ng mga namataang Chinese vessel sa paligid ng bahura na bahagi ng pinag-aagawang Spratly Islands.
Ito ang inihayag ng Department of Foreign Affairs o DFA sa unang anibersaryo ng tagumpay ng Pilipinas laban sa China matapos ang paborableng desisyon ng International Court of arbitration kaugnay sa territorial dispute sa West Philippine Sea.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na dapat resolbahin ang territorial dispute sa mapayapang hakbang.
Ipinagtanggol din ni Cayetano ang paraan ng administrasyong Duterte sa pakikisalamuha sa China na nagresulta sa independent foreign policy ng gobyerno.
Inihayag naman ng Philippine Coast Guard na wala silang naitatalang “untoward incident” sa pagitan ng mga Pilipino at Tsino sa Panatag Shoal o Bajo de Masinloc.
By Drew Nacino
Pinoy fishermen balik-Scarborough shoal was last modified: July 13th, 2017 by DWIZ 882
Tinatayang tatlong (3) milyong mamamayan ng Region 8 at Bohol ang wala pa ring suplay ng kuryente, isang linggo matapos tumama ang magnitude 6.5 na lindol sa Visayas.
Nagpahayag ng pagkadismaya si Energy Undersecretary Felix William Fuentebella dahil sa kabiguang makamit ang sampung (10) araw na deadline upang maibalik ang power supply sa mga lugar na apektado ng lindol.
Batay sa report ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP, mahigit 100 megawatts mula Cebu, Luzon at geothermal plants ng Energy Development Corporation ang hindi makapag-supply sa mga lalawigan na tinamaan.
Ito’y makaraang magkaroon ng mga problema ang mga transformer sa Ormoc City substation kaya’t asahang matatagalan pa bago maibalik ang suplay ng kuryente.
Napinsala anya ang transformers 1 hanggang 6 sa Ormoc Substation dahil sa malakas na pagyanig kaya’t maging ang Samar ay nawalan ng power supply.
By Drew Nacino
Nasa 3-M mamamayan ng Region 8 at Bohol nananatiling walang kuryente was last modified: July 13th, 2017 by DWIZ 882
Pabor si PNP o Philippine National Police Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa na ibalik sa puwesto ang grupo ni Superintendent Marvin Marcos na sangkot sa pagpatay kay dating Albuera Mayor Rolando Espinosa.
Ayon kay Dela Rosa , nakatataas ng morale mula sa hanay ng PNP ang pagdepensa ng Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pulis na ginagawa lamang ang kanilang mga trabaho.
Binigyang diin ni Dela Rosa na patuloy din namang sumusweldo si Marcos ang grupo nito kayat marapat lang aniya na bumalik na ang mga ito sa serbisyo at magtrabaho.
Nilinaw naman ni Dela Rosa na abswelto na sa kasong administratibo ang grupo ni Marcos ngunit hindi pa sa kinakaharap nitong kasong kriminal.
By Ralph Obina
Bato pabor na ibalik sa puwesto si Superintendent Marcos was last modified: July 13th, 2017 by DWIZ 882
Tatlong akusado sa 2009 Maguindanao massacre case ang inabswelto ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221.
Ibinasura ni Quezon City RTC Branch 221 Judge Jocelyn Reyes ang kasong 58 counts of murder laban kina Kominie Inggo, Dexson Saptula at Abas Anongan dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Agad ding ipinag-utos ni Reyes ang agarang paglaya ng tatlo mula sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Sa June 23 decision, kinatigan ng hukom ang demurrers to evidence ng sina Inggo makaraang resolbahin court magpasya ang korte na nabigo ang prosekusyon na patunayang guilty ang tatlo.
Tanging ang mga arresting officer nina Saptula at Anongan ang kumilala at tumestigo laban sa kanila pero wala namang “personal knowledge” sa krimen at walang ring iprinesenta ang prosekusyon na iba pang testigo.
By Drew Nacino
3 pang akusado sa Maguindanao massacre inabswelto was last modified: July 13th, 2017 by DWIZ 882
Ikinaalarma na ng Japan ang unti-unting pagliit ng kanilang populasyon sa nakalipas na pitong taon.
Nasa 127 million na ang populasyon ng Japan ngayong taon kumpara sa 128.1 million noong 2010.
Simula noong 1997 hanggang kasalukuyang taon o sa loob ng dalawang dekada, mahigit isang milyon lamang ang nadagdag sa bilang ng mga mamamayan.
Ayon sa Japanese government, ang kawalan ng sex at labis na pagtutok sa trabaho ang sanhi ng hindi gumagalaw na populasyon kasabay ng pagtaas ng bilang ng mga “senior citizen.”
Tinatamad na rin ang mga mamamayan lalo ang mga edad 18 hanggang 34 na makipag-date o makipag-relasyon at higit sa lahat halos kalahati ng bilang ng nasabing age bracket ay nananatiling birhen o hindi pa nakikipagtalik.
Dahil dito, naglatag na ng mga hakbang ang gobyerno upang maresolba ang problema sa populasyon.
By Drew Nacino
Unti-unting pagliit ng populasyon ikinababahala na ng Japan was last modified: July 13th, 2017 by DWIZ 882
Determinado ang Gilas Pilipinas na depensahan ang kampeonato sa 2017 William Jones Cup na bahagi ng preparasyon para sa FIBA Asia Cup na gaganapin sa August 8 hanggang 20.
Ayon kay Gilas Team Manager Butch Antonio, kumpiyansa silang masusungkit muli ng Pilipinas ang korona sa naturang torneyo dahil maituturing na solid ang kanilang line-up.
Mula sa labindalawang (12) player, labingpitong (17) member na ng team ang ipadadala sa Taiwan kabilang ang import na si Mike Myers at naturalized player na si Fil-German Christian Standhardinger.
Nakatakda namang bumiyahe ang Philippine National Basketball Team, bukas para sa paglarga ng 39th Jones Cup simula sa July 15 hanggang July 23.
By Drew Nacino
Kampeonato sa 2017 William Jones Cup dedepensahan ng Gilas was last modified: July 13th, 2017 by DWIZ 882
Sa social media idinaan ni Kim Chiu ang sweet na pagbati para sa rumored boyfriend nito na si Xian Lim.
Sa birthday message post ay pinuri ni Kim ang determinasyon ng aktor na magawa at maabot ang lahat ng kanyang nais sa buhay.
“You always prove that with hard work and drive to succeed, you can meet any goal you set your mind to!” Before this day ends, just want to greet this talented human being a HAPPY HAPPY BIRTHDAY!”
Ipinaabot din ng dalagang aktres ang kanyang good luck wish para sa nalalapit na concert ni Xian.
“Good luck on your concert this Saturday! I know this will be another feather in your cap! Congrats in advance!”
Nakatakdang mag-perform si Xian sa Solaire ngayong Sabado para sa kanyang fans.
Sa isang interview tila pinasinungalingan naman ni Xian ang mga balitang hiwalayan nila ni Kim na una nang lumabas nang muling magtambal sa isang teleserye ang dating magkasintahang Kim Chiu at Gerald Anderson.
“I get it if people will have that conclusion, I mean I can’t say that it’s completely OK but it’s part of it. It’s easy kasi to get confused with the characters we portray in the teleseryes and the movies and in personal life.”
Kapwa hindi kinukumpirma nina Kim at Xian ang tunay na estado ng kanilang relasyon.
Kim Chiu may sweet birthday message kay Xian Lim was last modified: July 13th, 2017 by DWIZ 882