Naniniwala si House prosecution adviser at trial spokesperson Robert Ace Barbers na posibleng bahagi ng estratehiya ng China ang mga “provocation” o pang-uudyok nito sa West Philippine Sea.
Ito’y para samantalahin ng Beijing ang pagkakahati-hati ng mga Pilipino sa gitna ng mga kaganapan sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Barbers, kailangang masusing suriin ng mga opisyal sa pambansang seguridad kung may mas malawak na layunin ang pagiging agresibo ng China sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Naniniwala ang dating kongresista na maaaring makinabang ang China kung lalo pang lalalim ang pagkakahati-hati ng mga Pilipino dahil sa usapin ng impeachment at malilihis ang atensyon ng publiko mula sa kaganapan sa WPS.
Gayunman, iginiit niyang dapat ibatay ang anumang pagsusuri sa mapagkakatiwalaang intelligence at beripikadong ebidensiya, at hindi sa haka-haka sa politika.
Hinikayat din niya ang mga Pilipino na magkaisa sa pagtatanggol sa soberanya at protektahan ang pambansang interes ng bansa sa kabila ng pagkakaiba ng pananaw sa politika. | Sa panulat ni Geli Mendez

