Inilabas na ng Malacañang ang batas na nagbabawal at nagdedeklara sa Philippine Offshore Gaming Operations bilang ilegal, kasama ang iba pang mga katulad na aktibidad sa bansa.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12312 o mas kilala bilang “Anti-Pogo Act of 2025,” na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior noong Oktubre bente-tres, mahigpit nang ipinagbabawal ang pagtatayo, operasyon, at pagsasagawa ng offshore gaming sa buong bansa.
Kasama rin sa ipinagbabawal ng nasabing batas ang pagtanggap ng anumang uri ng pusta o transaksyon na may kinalaman sa Pogo, maging ito man ay direkta o hindi direktang konektado sa naturang gawain.
Binigyang-diin sa batas na kinikilala ng estado ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, proteksyon sa buhay, kalayaan, at ari-arian, gayundin ang pagtataguyod ng kapakanan ng mamamayan para sa makabuluhang pag-enjoy ng demokrasya.
Pinahahalagahan din ng estado ang dignidad ng bawat tao at ginagarantiyahan ang paggalang sa karapatang pantao—kaya’t idineklara nitong labag sa batas ang operasyon ng Pogo sa bansa.
Matatandaan na sa kanyang State of the Nation Address, inihayag ni Pangulong Marcos ang kanyang direktiba na ipatigil ang lahat ng Pogo operations sa Pilipinas, matapos matukoy na nagdudulot ito ng negatibong epekto sa moral at dignidad ng mga Pilipino, kabilang ang pagkakalulong sa sugal, pagkabaon sa utang, at pagtaas ng mga krimeng kaugnay nito sa lipunan. —Sa panulat ni Anjo Riñon




