Nilinaw ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na hindi paghihiganti ang panawagan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na magbitiw sa serbisyo ang mga sinasabing “last-minute hires” ni dating Ombudsman Samuel Martires.
Ayon kay Atty. Clavano, hindi layunin ng naturang panawagan na gipitin o insultuhin ang mga na-promote, kundi nais lamang nilang masiguro na tapat ang mga ito sa mismong opisina ng Ombudsman, at hindi sa iisang tao o personalidad lamang.
Ibinunyag din ni Clavano na mayroon nang ilan na nagsumite ng kanilang courtesy resignation, ngunit nababalitaan din nila na may ilang kawani ang nangangalap ng suporta upang hindi na magsumite nito.
Giit pa ng abogado, wala dapat ipangamba ang mga tauhan ng Ombudsman lalo na kung wala silang itinatago sa naging proseso ng kanilang appointment o promotion sa kani-kanilang posisyon.




