Malaking tulong para sa mga ligawin at sa mga dumadayo sa hindi pamilyar na lugar ang paggamit ng navigation apps katulad ng Google Maps. Pero sa kwentong ito, tila hindi nakatulong ang Google Maps sa isang turista at nakaperwisyo pa. Ang babae kasi, sa halip na makarating sa pupuntahan, nahulog nang hindi inaasahan. Saan? Sa kanal lang naman.
Ang dahilan kung bakit nga ba tila hindi epektibo ang Google Maps sa lugar na pinuntahan ng babae, eto.
Nag-viral sa social media at umani na ng mahigit 300,000 likes ang video ng isang babaeng turista na naglalakad pababa sa hagdan na bato habang hawak ang kaniyang cellphone.
Kitang-kita sa video na diretso ang tingin ng babae sa kaniyang dadaanan.
Pero matapos umapak sa pinakahuling baitang ng hagdan, bigla itong nadulas at dumausdos pababa sa isang canal.
Base sa caption ng video, sinunod lang ng babae ang direksyon na itinuturo sa kaniya ng google maps. Pero dahil namamasyal ito sa Venice na tinatawag ding ‘Floating City’, wala na itong nagawa nang mahulog sa isang canal matapos sundin ang map.
Ang babae, nadisgrasya na nga, na-bash pa. Isang commentator ang nagsabi na kahit ano na lang daw ay ginagawa ng mga tao para lang makakuha ng atensyon. Mayroon pang nanermon at sinabing gamitin ang utak at tumingin sa paligid habang naglalakad.
Gayunpaman, ilang Venice tour sites na ang nagbabala at nag-abiso sa mga turista na hindi reliable ang Google Maps sa nasabing lugar at isang dahilan diyan ay ang paggamit dito ng numbers sa halip na ng tipikal na street addresses. Itinuturo rin nito sa mga turista ang mga direksyon na hindi naman nag-eexist o di naman kaya ay nahaharangan ng mga canal.
Sa mga magta-travel diyan, maging extra careful habang namamasyal. Sige ka, baka sa halip na maka-awra ka, mapa-aray ka pa dahil sa disgrasya.



