Sabi nga nila, mas masarap ang pagkain kapag libre. Pero ang lalaking ito mula sa Japan, nabusog nga, nakulong naman! Paano ba naman kasi, inutakan lang naman nito ang isang food delivery app at sinamantala ang pagbibigay nito ng refund kapag hindi dumadating ang order ng customer. Sa husay ng lalaki na manloko, mahigit dalawang taon lang naman itong nakalibre ng pagkain.
Ang detalye ng modus ng mautak na lalaki, eto.
Ilang taon nang namumuhay ang 38-anyos na si Takuya Higashimoto mula sa Nagoya, Japan nang walang trabaho. Pero ang lalaki, madalas magpa-deliver ng pagkain.
But take note, ni minsan ay wala itong ginastos. Nakakalibre ang lalaki hindi dahil sa discounts o vouchers, kundi dahil sa panloloko sa isang food delivery app.
Sa loob ng mahigit dalawang taon, nagawa nitong makakain nang libre dahil sa nadiskubre nitong pagkukulang sa delivery app.
Ayon sa mga ulat, sa tagal na panahon ng panloloko ng lalaki, umabot sa 124 ang ginawa nitong accounts na ni-register gamit ang pekeng pangalan at address para hindi ito ma-track at mabuko.
Ang modus ng lalaki, umo-order ito ng mga pagkain katulad ng mamahaling eel bento, hamburger steaks, at icecream sa nasabing app, at pagkatapos ma-receive ang mga pagkain, inire-report nito sa chat feature ng app na hindi dumating ang kaniyang order para makatanggap ng refund.
Sa 1,095 orders na ginawa ni Takuya sa loob ng mahigit dalawang taon, nalugi ang delivery app ng mahigit $24,000 o mahigit 1.4 million pesos.
Ayon naman sa suspek, matapos niyang subukan ang nasabing modus ay hindi na niya nagawa pang tumigil.
Gayunpaman, nahuli na ito ng mga otoridad matapos akusahan ng fraud, habang binago naman na ang sistema ng delivery app para hindi na ulit maisahan pa.
Ikaw, hanggang saan ang kaya mong gawin para lang maka-survive kapag gipit na gipit ka na?



