Muling napatunayan sa kwento ng isang magsasaka na isa talagang malaking peste ang mga fake news matapos mawala na parang bula ang pinaghirapan niyang itanim na mga patatas nang dahil lang sa kumalat na maling balita na ipinamimigay niya ang inani niyang patatas dahil hindi umano maibenta. Dahil nga libre, dumagsa ang mga residente at nag-potato shopping spree.
Ang kwento ng naluging magsasaka, eto.
Wala nang nagawa kundi madismaya at sumama ang loob ng isang 68-anyos na magsasaka mula sa Dabrowica, Poland nang bumalik ito sa kaniyang palayan at nadiskubreng nawawala ang karamihan sa mga inani nitong patatas.
Ayon sa ulat, nag-ugat ang insidente sa isang social media post na nagpakalat ng maling balita kung saan hinikayat ang mga residente na magpunta sa palayan ng magsasaka para kumuha ng mga libreng patatas dahil hindi umano ito maibenta ng matanda kung kaya nagdesisyon ito na ipamigay na lang.
Sino ba naman ang tatanggi sa libre? Syempre, wala. Kung kaya agad na dinagsa ng mga residente ang lupain ng magsasaka at nagdala pa ng kaniya-kaniya nilang lalagyan para humakot ng mga patatas.
Dahil dito, umabot sa 150 tonelada ang dami ng mga patatas na nanakaw sa matanda.
Ayon sa magsasaka, isang lalaki na kabilang sa mga kumuha ng patatas ang lumapit sa kaniya para magpaliwanag at humingi ng tawad.
Samantala, umaasa ang matanda na marami pa ang lalapit sa kaniya para magpaliwanag at isauli ang mga kinuha nilang patatas, dahil kung hindi, mapipilitan siya na maghain na ng reklamo.
Ikaw, nabiktima ka na rin ba ng fake news? Kung ganon, paano mo nalaman na nalinlang ka lang pala?



