Ibinunyag ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian na may overpricing sa mga farm-to-market roads na ginawa ng Department of Public Works and Highways noong 2023 at 2024.
Ayon kay Sen. Gatchalian, kabilang sa mga contractor na may overpriced farm-to-market road projects ang Hi-Tone Construction and Development Corporation na iniimbestigahan din sa maanomalyang flood control projects at sinasabing may kaugnayan kay dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.
Batay sa tala ng senador, nasa ₱10.3 bilyon ang kabuuang halaga ng overpriced farm-to-market roads, na karamihan ay nasa Bicol Region.
Dagdag pa ni Sen. Gatchalian, nadiskubre niya ang aniya’y extremely overpriced farm-to-market roads sa sampung rehiyon sa bansa, kabilang ang Regions 5 at 8.
Naniniwala ang mambabatas na hindi lamang nagkataon na Region 5 ang may pinakamalaking nakuha na FMR funds at may pinakamaraming kontrata ang Hi-Tone Construction and Development Corporation na sinasabing konektado kay Co, na dating chairman ng House Committee on Appropriations.
Sinabi naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na hindi pa siya ang kalihim ng Department of Agriculture noong napondohan ang mga nabanggit na FMRs, kaya maging siya ay ikinagulat ito.