Pinatitiyak ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa bagong talagang Ombudsman na si dating Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na panindigan ang transparency at accountability sa mga opisyal ng pamahalaan.
Sinabi ni Palace Press Officer at Communications Usec. Claire Castro na ang pagtatrabaho ni Remulla bilang Ombudsman ay para sa bansa at hindi para sa iisang sektor o grupo lamang.
Dagdag pa ni Usec. Castro, inaasahan ng Pangulo ang tapat na pagtupad sa tungkulin ni dating DOJ Secretary at matapang na pagharap at pag-iimbestiga sa mga dapat imbestigahan.
Hindi rin aniya maaaring talikuran ng bagong Ombudsman ang trabaho dahil karapatan ng taumbayan na malaman at makita ang pag-iimbestiga nito sa mga reklamo laban sa mga public officials.