Isinusulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ni House Majority Leader Sandro Marcos ang panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang mga kamag-anak ng mga opisyal ng pamahalaan hanggang sa ika-apat na antas ng consanguinity o affinity na makapasok o makakuha ng kontrata sa gobyerno.
Sa explanatory note ng House Bill 3661, iginiit ng mambabatas ang public office at public trust alinsunod sa prinsipyo ng 1987 Constitution.
Nakasaad dito na ang isang public official ay tumutukoy sa heads of agency, heads ng procuring entity, governing board members at mga public officer na may policy-determining, supervisory o managerial functions.
Sakop din nito ang career at non-career service, uniformed personnel at militar.
Kumpiyansa ang Ilocos Norte lawmaker na sa pamamagitan ng panukala, magiging tapat at patas ang procurement process at maiiwasan ang katiwalian sa mga proyekto ng pamahalaan.
Nabatid na isang kahalintulad na panukala na rin ang inihain sa Senado ni Sen. Francis “Chiz” Escudero kung saan, nakausap na rin ni Cong. Marcos ang senador at handa niyang itulak ang counterpart measure ng kanyang panukala sa Kamara. —Sa panulat ni Jasper Barleta




