Sa dami ng mga nagdaang administrasyon, hindi na bago sa atin ang sumubaybay at maging kritiko sa mga isyu ng gobyerno, katulad na lang ng bilyon-bilyong halaga ng palpak na flood control projects na kasalukuyang nililitis.
Kung pagbabasehan lang ang reaksyon ng mga Pilipino, tila sawa na ang taumbayan sa ganitong proseso dahil naging cycle na lang ang magkakaparehas na scenario sa sunud-sunod na mga kontrobersya.
Nang tanungin sa isang panayam ng DWIZ ang psychologist na si Dr. Camille Garcia kung totoo ba na nagiging entertainment na lang sa paningin ng mga Pilipino ang ganitong uri ng isyu, sinabi niya na nawawalan ng interes ang taumbayan sa patutunguhan ng isyu dahil sa ginagawang palusot ng mga indibidwal na sangkot.
Dagdag pa niya, ginagawa na lang dahilan ang mga palusot katulad ng pagkakasakit ng mga sangkot para paikutin ang mga Pilipinong nakaabang sa isyu.
Tunay nga naman na bumenta na ang mga palusot na ‘yon. Pero ang tanong, nadadala nga ba ang mga Pilipino at nagbabago ang pananaw sa mga sangkot sa isyu kapag nangandidato na naman ang mga ito?
Ayon kay Dr. Garcia, naaapektuhan pa rin ng utang na loob ang magiging opinyon ng taumbayan sa isang opisyal.
Dagdag pa ni Dr. Garcia, mahirap ang umasa na magkaroon ng good governance sa bansa sa kadahilanang nasanay na ang mga Pilipino sa mga balita tungkol sa katiwalian dahil hindi naman maipagkakaila na laganap talaga ito sa Pilipinas.