Sa sunud-sunod na paglalaglagan ng mga kinekwestyong indibidwal hinggil sa flood control controversy, balikan ulit natin ang mag-asawang Discaya na tila mga bida sa serye ng imbestigasyon na ito.
Kamakailan ay idinawit ng mga Discaya si House Speaker Martin Romualdez kasama si Ako Bicol Party-list Cong. Elizaldy Co at sinabing kabilang ito sa mga opisyal na tumatanggap ng parte sa kanilang government projects.
Pero sa sumunod na hearing, mabilis din itong binawi ni Curlee Discaya. Ano ba talaga ang totoo?
Dahil dito, sinabi ni House Committee on Public Accounts Chairman Rep. Terry Ridon sa opisyal na panayam ng DWIZ na kasinungalingan lang ang laman ng binabasang afffidavit ng mga Discaya sa nagdaang hearing.
Tinawag din ni Rep. Ridon na walang kwenta ang affidavit ng mga Discaya na aniya ay hindi rin maayos ang pagkakanotaryo. Dahil diyan, lumalabas ngayon na. Kwestyonable ang listahan ng mga idinawit nilang mga pangalan.
Tutok man tayong lahat ngayon sa bawat update sa isyu, hindi pa rin nakakaligtas sa taumbayan ang iba pang mga sangkot umano na contractor. Nasaan nga ba ang mga ito at bakit tila mga Discaya ang bida?
Nanigurado rin si Rep. Ridon na lahat ng mga kongresista na idinawit ni curlee discaya ay mabibigyan ng pagkakataon na magsalita para sa kanilang mga sarili dahil parte yon ng protocol.
Pero aniya, hindi nila maaaring i-cross examine o tanungin ang mga Discaya na nag-akusa sa kanila.
Bilang nagkakalaglagan na nga at maaaring may nakaambang panganib sa mga umamin na sangkot at sa kani-kanilang mga pamilya, sinabi ni Rep. Ridon na tanging sina Engr. Jaypee Mendoza at Engr. Brice Hernandez lang ang may tyansa na makatanggap ng proteksyon.