Ikinakasa na ng Commission on Elections ang criminal complaints laban sa mga kandidatong tumanggap ng campaign donations mula sa mga government contractor.
Ito ang kinumpirma ni Comelec Chairman George Erwin Garcia matapos aminin ni Centerways Construction President Lawrence Lubiano na nagbigay siya ng 30 million peso campaign donation kay Senate President Francis Escudero noong 2022 elections.
Gayunman, nilinaw ng poll body chief na nakikipag-ugnayan pa sila sa Department of Public Works and Highways upang mabatid kung ang mga kontratistang nadadawit sa maanomalyang flood control projects ay may kaugnayan din sa pamimigay ng donasyon sa mga kumandidato noong mga nakaraang halalan.
Tiniyak naman ni Chairman Garcia na hindi lamang limitado sa mga nanalong senador o kongresista hanggang sa pinaka-mababang halal na posisyon ang ikinakasa nilang kaso lalo’t saklaw din ng Omnibus Election Code maging ang mga natalo sa mga nadaang eleksyon.




