Idinepensa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung bakit kinailangang bawiin o ipawalang-bisa ang permit to operate ng power supplier sa Siquijor.
Sa kanyang pagbisita sa Siquijor, ipinaliwanag ng Pangulo na kinailangang i-take over ng gobyerno ang operasyon ng Siquijor Island Power Corporation (SIPCOR) dahil walang nakitang improvement sa serbisyo nito o sa pagsusupply ng kuryente sa isla.
Matatandaan na noong isang buwan, binawi ng Energy Regulatory Commission ang permit to operate ng SIPCOR dahil sa umano’y paglabag nito sa compliance requirements.
Ayon sa Department of Energy, ilan lamang sa mga paglabag ng SIPCOR ay ang kawalan ng valid certificate of compliance ng generating units nito. Hindi rin otorisado ang paggamit ng mga nirentahang generator sets, at lumabag din ito sa inaprubahang power supply agreement dahil wala itong kakayahang makapagsupply ng sapat na kuryente sa isla.
Dahil dito, sinabi ng Pangulo na ang Provincial of Siquijor Electric Cooperative (PROSIELCO) na ang binigyan ng awtorisasyon na magpatakbo nito.
—sa panulat ni Jasper Barleta




