Kung nasanay tayo sa kwento ng magkaaway na daga at pusa, maiba tayo ngayon dahil sa London, mayroong dalawang daga na nakuhanan ng litrato na nag-aaway, at ang chance encounter na ito, nagdala pa ng karangalan sa isang photographer.
Kung bakit nag-away ang mga daga, eto.
Sinong mag-aakala na ang isang simpleng video na natanggap ng wildlife photographer na si Sam Rowley mula sa kaniyang kaibigan kung saan makikitang nagtatalo ang dalawang daga ay ang magpapanalo sa kaniya sa isang contest.
Dahil sa ideya na ito, limang araw na nagpabalik-balik si Rowley sa London underground platform para tyempuhan ang dalawang daga na pakalat-kalat sa nasabing istasyon.
Ayon sa mga ulat, hindi na bago sa mga pasahero ang mga nasabing daga dahil paikot-ikot umano ang mga ito sa train station at magkahiwalay na nangangalakal ng mga pagkain.
Dahil sa pagbabaka sakali, umabot pa sa punto na dumapa si Rowley sa sahig ng platform para lang makakuha ng perfect shot ng mga daga.
Sa pagpapabalik-balik ni Rowley sa istasyon, nakuhanan din nito ng litrato ang dalawang daga at nagkataon pa na nag-aaway ang mga ito dahil sa pag-aagawan sa mga tira-tirang pagkain na nahuhulog mula sa mga pasahero.
Nagbunga naman ang ilang araw na pag-aabang ni Rowley sa mga daga dahil ang kaniyang litrato na pinamagatang ‘Station Squabble’ ay nakakuha lang naman ng 28,000 votes.
Bagama’t inamin ni Rowley na tila na-weirduhan ang mga pasahero sa ginawa niyang pag-aabang sa mga daga, naging sulit naman ito dahil si Rowley ang nag-uwi ng Wildlife Photographer of the Year Lumix People’s Choice Award mula sa London’s Natural History Museum.
Samantala, ayon sa director ng museum na si Michael Dixon, ipinapakita ng litrato ng mga daga kung paano gumagalaw ang mga hayop sa mundo ng mga tao at nagsisilbing paalala sa kaugnayan ng mga tao at kalikasan.
Sa mga aspiring photographers diyan, mayroon din ba kayong nakuhanang kakaibang litrato na maaaring maging isnag winning shot? Kung ganon, pwede niyo bang i-share ang kwento sa likod nito?