Aminado ang Department of Public Works and Highways na hindi na sapat ang kasalukuyang drainage system ng Metro Manila para pigilan ang pagbaha, lalo na sa gitna ng malalakas na pag-ulan dulot ng habagat.
Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, gumagana naman ang mga pumping station, ngunit hindi makadaloy ang tubig-baha papunta rito dahil sa baradong mga drainage. Tinatayang 70 percent ng drainage system sa rehiyon ay silted o napuno na ng latak at dumi.
Ipinahayag din ni Bonoan na kasalukuyang gumagawa ng bagong master plan para sa drainage system ang ahensya katuwang ang World Bank.
Habang isinasagawa ito, nagpapatuloy ang rehabilitasyon ng pumping stations, paglilinis ng mga kanal na barado ng basura, at pagpapatupad ng Pasig-Marikina Floodway Program.
Dagdag pa ng kalihim, sisiyasatin din ng DPWH ang pahayag ng MMDA na maaaring nakadaragdag sa pagbaha sa Commonwealth Avenue ang konstruksyon ng MRT-7 Batasan Station.
—sa panulat ni Jasper Barleta