Makakaasa ng patuloy at buong suporta mula sa administrasyon ang buong hanay ng Philippine Air Force.
Ito ang ipinangako ni Pang. Ferdinand Marcos, Jr. sa mga kawani ng Air Force kasabay ng pagdiriwang ng ika-pitumpu’t walong anibersaryo ng institusyon.
Tiniyak din ng Pangulo na gagawin ng pamahalaan ang lahat ng makakaya para maibigay sa Air Force ang mga pinakamagandang kagamitan, training, at pasilidad, para mapalakas din ang kanilang morale sa tungkulin at pagsisilbi sa bansa.
Pinatunayan aniya ng Air Force ang kanilang kagalingan at kakayahan sa pagpo-protekta sa mga Pilipino, sa pamamagitan ng pagmo-monitor sa air defense zone, at pagbabantay sa presensya ng mga dayuhang barko na malapit sa teritoryo ng bansa.
Dagdag ng Pangulo, tumulong ang Hukbong Himpapawid sa pagtunton sa mga rebelde, pag-aresto sa mga kriminal, at pagharang sa mga tangkang smuggling ng mga produkto.
Maaasahan din aniya ang Air Force sa panahon ng kalamidad, sa loob man o labas ng bansa, dahil sa maagap na pag-responde sa iba’t ibang sakuna.