Inihain sa Kamara ang House Bill Number 55 o Equal Pay for Equal Work Act na layong buwagin ang regional wage rate upang magkaroon ng pantay-pantay na sahod ang mga manggagawang Pilipino sa bansa.
Ang naturang panukala ay isinusulong ni Albay 3rd District Rep. Adrian Salceda upang palitan ang itinakdang minimum wage sa iba’t ibang bahagi ng bansa ng isahang batayan para sa sahod.
Ginawa ang hakbang bilang tugon sa matagal nang hamon ng bansa pagdating sa inequality o hindi pagkakapantay-pantay sa sahod ng mga manggagawa.
Layon din nitong i-decongest ang Metro Manila at ibaba ang antas ng kahirapan sa bawat lalawigan.
Target din ng panukala na dahan-dahang ipatupad ang national basic wage sa loob ng limang taon kung saan magpapatupad ng taunang wage adjust sa bawat rehiyon hanggang ang lahat ay magsalubong sa kung magkano ang maipatutupad na halaga.
Bukod sa regional wage hike, isinusulong din ng panukala na alisin ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards at ipasalo o iatas ang tungkulin sa pinalakas na National Wages and Productivity Commission.