Sa napaka-stressful na mundo, sino ba naman ang hindi mapapaisip na magpakalayu-layo at mamuhay nang tahimik? Katulad ng lalaking ito sa China na ipinagpalit ang kaniyang trabaho para mamuhay nang tahimik at mag-isa sa isang kweba.
Kung ano ang nagtulak sa lalaki na gawin ito, eto.
Kung para sa karamihan ay hindi madaling mag-resign o iwanan ang trabaho dahil sa takot na mahirapang makahanap ng bagong mapapasukan o di naman kaya ay dahil sa pag-aalangan na magsimulang muli, ibahin niyo ang 35-anyos na lalaking ito mula sa China na si Min Hengcai.
Si Min kasi, nag-resign mula sa kaniyang 10-hour day job bilang ride-hailing driver kung saan kumikita ito ng 10,000 yuan kada buwan o may katumbas na mahigit 78,000 pesos.
Sa ganoong paraan binayaran ni Min ang mga pinagkakautangan ng kanilang pamilya. Pero mayroon pa rin umano itong kailangang bayaran na 300,000 yuan o mahigit 2 million pesos sa mga bangko at lending companies na mababayaran niya sana sa tulong ng kaniyang properties ngunit ibinenta umano ito ng kaniyang mga kaanak.
Matapos iwanan ang trabaho, nanirahan si Min sa isang kweba na nasa isang lupain na ipinagpalit niya sa pag-aari niyang lupa.
Inabot naman si min ng 40,000 yuan o mahigit 300,000 pesos para gawing isang komportableng tahanan ang kweba na tinatawag niyang blackhole.
Tunay ngang mapayapa at tahimik ang piniling buhay ni Min, dahil sa apat na taon, nakabuo ito ng isang healthy na routine kung saan gumigising ito ng alas otso ng umaga araw-araw para magbasa ng libro, maglakad-lakad, magtanim ng mga gulay na kaniya ring kinakain, at natutulog pagpatak ng alas diyes ng gabi.
Bukod sa pag-iwan sa kaniyang trabaho, hindi rin umano naniniwala si Min sa konsepto ng kasal at tinawag pa itong waste of time and money. Sinabi pa nito na mababa ang tyansa na makahanap ng true love kung kaya hindi niya na ito paghihirapan pa.
Samantala, bagama’t malayo sa magulong lungsod, ibinabahagi naman ni Min ang kaniyang simple at tahimik na pamumuhay sa social media sa pamamagitan ng livestreaming na kaniyang ring pinagkakakitaan kung saan nakakuha na ito 40,000 followers.
Sa mga gusto nang mag-resign at manirahan sa dagat o bundok diyan, baka ito na ang sign na matagal niyo nang hinihintay.