Pasok na ang Kamara sa imbestigasyon kaugnay sa hinaing ng mga magsasaka ng YK Ranch sa Palawan.
Ito ay ayon kay ACT Partylist Rep. France Castro ay matapos dumulog sa kanyang tanggapan ang mga lider ng hindi bababa sa isanlibong farmer beneficiaries sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Kabilang sa mga dumulog ang mga magsasaka mula sa mga Barangay Decalachao, Guadalupe, San Jose, San Nicolas sa Coron at mga Barangay ng Quezon, New Busuanga, Cheey at Sto. Nino sa karatig bayan ng Busuanga.
Hinikayat ni Castro ang mga apektadong magsasaka na manindigan kontra sa mga oligarkong walang kinikilalang batas kasabay nang pagtiyak na patuloy na babantayan ng Kongreso ang aksyon ng gobyerno.
Sa record ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan o KASAMA, nasa halos isanlibong magsasakang beneficiary ang pinagkaitan ng lupang sakahan batay sa probisyong nakasaad sa Republic Act 6657 o ang CARP Law.
Taong 2014 nang maglabas ng ulat ang National Fact Finding and Solidarity Mission (NFFSM) hinggil sa Yulo King Ranch na tinawag na “largest agrarian reform anomaly in the country.”
Ayon kay Castro, kabilang sa kanilang iimbitahan sa pagdinig si Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Ma. Antonia Yulo-Loyzaga.
Bukod sa Yulo King Ranch, sinasabing nasa ilalim din ng pangangasiwa ng kalihim bilang executor ng YKR Corporation ang malawak na lupain sa mga lalawigan ng Masbate at Laguna.