Walang namo-monitor na banta ang Philippine National Police para sa gaganaping unang SONA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa July 25.
Ayon kay PNP Director for Operations Major General Valeriano De Leon, sa ngayon ay wala pa naman silang natatanggap na impormasyon sa mga tangkang panggugulo.
Gayunman, lahat ng posibilidad ay kanilang pinaghahandaan at naglatag na rin sila ng contingency plan.
Nabatid na aabot sa 15,000 na mga tauhan ng PNP, AFP at iba pang force multiplier ang ipakakalat para sa SONA.
Samantala, sinabi naman ni De Leon na para matiyak ang kaayusan ay magkakaroon sila ng pakikipag-usap sa mga militanteng grupo para sa security preparations at paalalahanan sila na huwag manggulo sa SONA.—mula sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)
HEADLINES
Naniniwala ang isang eksperto na nalalapit na ang endemic ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ito’y sa harap ng bumababa na bilang ng mga namamatay at tinatamaan ng malalang kaso ng virus sa bansa.
Ayon kay Dr. Edsel Salvana, ang paglipat ng pandemya patungo sa endemic ay bunsod ng mababang bilang ng mga naoospital gayundin ang mga namamatay sa virus.
Nagbabala rin sa publiko si Salvana na huwag magpakampante kahit na tapos na ang pinakamalalang yugto sa COVID dahil marami pa rin ang hindi bakunado at hindi nagpapaturok ng booster dose.
Muling bubuksan ng Technical Education Skills Development Authority (TESDA) ang libreng training para sa mga residente ng Navotas City sa susunod na buwan.
Layon nito na maturuan ang mga kabataan ng mga bagong skills o kaalaman na magbibigay ng bagong mapagkakakitaan.
Kasama sa mga inaalok na libreng training ay ang Automotive NC 1 at Electrical Installation and Maintenance NC 1.
Sa mga nais mag-enroll, maaaring mag-apply online at i-click lamang ang link para sa Navotas Institute Online Enrollment Form at sundin ang step by step process.
Prayoridad ng Department of Education (DepEd) ang pagpapaunlad sa access at kalidad ng edukasyon sa bansa.
Binatay ang 2023 Proposed Budget sa Basic Education Development Plan (BEDP) 2030.
Ang naturang plano ay unang long term plan ng DepEd na binalangkas ng administrasyon ni former Secretary Leonor Briones.
Ayon kay Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte, laman nito ang mga dapat tutukan para maresolba ang problema sa pagkatuto, partisipasyon at paghahatid ng edukasyon sa bansa.
Samantala, sa pagpapatuloy naman ng pagbalangkas sa kanilang panukalang pondo ay sasangguni rin umano ang DepEd sa Department of Health (DOH) ukol sa mga COVID related allocations.
Hindi na nagtaka si Infectious Disease Expert Rontgene Solante sa nakitang pagtaas ng kaso ng dengue na naiulat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sinabi ni Solante, year in-year out ay sadyang mataas ang dengue cases lalo’t apat na stereotypes ng sakit ang naririto sa Pilipinas.
Ito ay ang DENV-1, DENV-2, DENV-3, at ang DENV-4 dahilan para mapabilang ang Pilipinas sa listahan ng World Health Organization (WHO) bilang isa sa mga bansa sa Asia na may mataas na kaso ng dengue.
Dagdag ni Solante, nagsisilbing contributory factor sa pagtaas ng kaso ng dengue ang panahon partikular ngayong panahon na ng tag-ulan.
Kaya naman payo ng eksperto, gawing prayoridad ang prevention, maglinis ng kapaligiran at agad na magpakonsulta sa mga doktor kung may nararamdaman para hindi mauwi sa kumplikasyon ang sitwasyon.
Tututukan ang Department of Labor and Employment (DOLE) ang kapakanan ng mga empleyado ng gobyerno na maapektuhan ng planong rightsizing.
Sinabi ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, nais niya na makakuha ng sapat na kompensasyon at bagong posisyon na depende sa kanilang kakayahan ang mga empleyado ng gobyerno sakaling ipatupad na ang nasabing plano.
Subalit magdedepende ito kung magkakaroon ng bakante sa ilang ahensya o departamento ng gobyerno.
Aminado naman si Laguesma na hindi niya agad masasagot ang ilang mga hakbang sa ‘rightsizing’ dahil pinag-aaralan pa ng mabuti ng DOLE ang plano kasama ang ilang ahensiya ng gobyerno.
Itinalaga ng Department of Transportation (DOTr) ang pinakamataas na opisyal ng MRT-3 bilang Officer in Charge General Manager ng Rail Line.
Batay sa post ng MRT-3, itinalaga si Engr. Ofelia D. Astrera bilang OIC-General Manager ng DOTr-MRT-3 habang namumuno bilang Chief of the Rail Line’s Support Division.
Maliban dito, hinirang din si Engr. Oscar Bongon bilang Officer in Charge Director for Operations of the Rail Line habang namumuno naman bilang Chief of the Engineering Division.
Ayon sa ahensya, ang dalawang opisyal ay bahagi ng Core Project Management Office ng Department of Transportation and Communications MRT-3 (DOTC MRT-3) noong 1997 na nagtapos sa Edsa MRT-3 Project.
Ang mga bagong hinirang na OIC ay mamumuno sa linya ng tren hanggang sa katapusan ng buwan o hanggang sa mapalitan ang mga ito.
Sumakabilang-buhay na ang first wife ni dating U.S. President Donald Trump na si Ivana Trump.
Pumanaw si Ivana nitong Huwebes sa bahay nito sa New York City sa edad na 73.
Sa isang social media post, ibinahagi ng dating pangulo ang kanyang pagkalungkot sa nangyari sa kanyang ex-wife.
Hindi naman binanggit ni Trump ang dahilan ng pagkamatay ni Ivana.
Taong 1977 nang magpakasal ang dalawa at taong 1992 nang sila’y maghiwalay.
May tatlo sila rin silang anak na sina Donald Jr., Ivanka at Eric Trump.
Umakyat kaagad sa number 3 spot sa iTunes Philippine song charts ang kalalabas lamang na “hot maria clara,” single ng kapuso actress na si Sanya Lopez.
Ito ang first single ng aktres kung saan ipinakita niya ang kanyang skilled vocals at nag-rap din ito sa isang bahagi ng kanyang kanta.
Ang “hot maria clara” ay isang empowering anthem, na sumesentro sa pagkakaroon ng self-confidence.
Mayroon din itong catchy lyrics at danceable beat kung saan kabilang sa lyrics nito ang “i’m a hot Maria Clara, demure na dalaga. Boy, you should know my worth.”
Ex-Finance Sec. De Ocampo, tiwala sa mga plano ni PBBM para sa pagpapa-unlad ng ekonomiya
Kumbinsido si dating Finance Secretary Roberto De Ocampo sa mga hakbanging ng Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. para magtuluy-tuloy ang takbo ng ekonomiya ng bansa.
Sinabi ni De Ocampo na nakikita niya ang pagsusumikap ng Marcos administration para matiyak ang trabaho para sa mga Pilipino sa gitna na rin nang paghahanap ng paraan upang hindi gaanong tumaas ang presyo ng bilihin at maging ng krudo.
Kasabay nito, ipinabatid ni De Ocampo na pabor siya sa hakbangin ng BSP na makontrol ang money supply o supply ng piso para bumaba ang halaga nito.
Kung tutuusin aniya ay mas malala pa ang sitwasyon sa Amerika at hindi dapat gayahin ng bansa ang anumang hakbangin ng Estados Unidos.