Bumaba ang bilang ng mga Pinoy na naniniwalang gaganda ang kanilang buhay ngayong taon.
Batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations para sa unang bahagi ng 2017, apatnapu’t tatlong (43%) porsyento ng mga Pinoy ang umaasang gaganda ang kanilang buhay sa loob ng labindalawang (12) buwan habang anim (6) na porsyento ang naniniwala namang lalala ang sitwasyon ng kanilang pamumuhay.
Dahil dito, naitala ang net personal optimism ng mga Pinoy sa positive 36 na mas mababa ng siyam na puntos mula sa positive 45 net score nuong December 2016.
Samantala, bumaba din ang bilang ng mga Pinoy na naniniwalang gaganda ang lagay ng ekonomiya ng bansa.
Ito ay kung saan nasa 47 percent ng mga Pilipino ang positibo sa magiging lagay ng ekonomiya na mas mababa kumpara sa 51 percent sa mga nakalipas na survey.
Siyam na porsyento naman ng mga Pinoy ang naniniwalang babagsak ang ekonomiya sa mga susunod na taon.
Ang naturang survey ay isinagawa noong Marso a-bente singko hanggang a-bente otso sa may isanlibo dalawandaang (1,200) respondents.
By Ralph Obina
Bilang ng mga Pinoy na naniniwalang gaganda ang kanilang buhay ngayong taon bumaba was last modified: May 17th, 2017 by DWIZ 882