Sinibak ng pamunuan ng National Food Authority (NFA) sina NFA Nueva Ecija Provincial Manager George Roca at Assistant Provincial Manager Daniel Valenzuela habang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon kaugnay sa maling klasipikasyon ng mga nabiling palay noong Oktubre.
Ito, ayon kay NFA Administrator Renan Dalisay, ay upang mas maging madali at hindi maimpluwensyahan ang isinasagawang imbestigasyon.
Una ng sinibak sa puwesto ang limang procurement personnel mula sa NFA Nueva Ecija Provincial Office matapos madiskubre na mali ang kanilang klasipikasyon sa nabiling palay na aabot sa 32,000 sacks na naapektuhan ng bagyong Lando.
Matatandaan na maraming mga palayan ang sinalanta ng bagyong Lando sa Nueva Ecija at iba pang lalawigan na nagpo-produce ng palay noong Oktubre.
Itinalaga naman ni Dalisay si Region 3 Director Amadeo de Guzman bilang provincial manager ng Nueva Ecija at Assistant Regional Director Mar Alvarez bilang Assistant Provincial Manager.
By Drew Nacino