Umaapela ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer sa formal sector na magsumite na ng report upang maasikaso na ng ahensya ang pagbibigay ng ayudang pinansiyal sa mga manggagawang apektado ng enhanced community quarantine sa ilalim ng COVID- 19 Adjustment Measures Program (CAMP).
Ayon sa DOLE, hanggang kahapon, March 31, ang field monitoring ng ahensya ay nakapagtala lamang ng mahigit 630,000 manggagawang apektado ng lockdown matapos magsara pansamantala ang mga pinapasukang kumpanya o nagpatupad ng flexible work arrangements mula sa mahigit 15,000 establishments.
Sa nasabing datos, nasa mahigit 163,000 ay mula sa informal sector.
Ipinabatid ng DOLE na nakapagpalabas na sila ng P160-milyon na tulong pinansyal sa mga apektadong manggagawa.
Nilinaw ng DOLE na ang nasabing cash aid ay bukod pa sa ibibigay na tulong ng DSWD na P5,000 hanggang P8,000 sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One law.
Ang CAMP ay isang one time quarantine assistance, bagamat sa ilalim ng nasabing batas, ang cash at noncash emergency subsidy program sa loob ng dalawang buwan ay base sa umiiral na regional wage rates.