Tiniyak ni Eastern Samar Representative Ben Evardone na walang nasawi matapos ang naramdamang magnitude 6.5 na lindol sa lugar.
Ayon kay Evardone, wala silang natanggap na ulat na matinding napinsala at nasawi sa kanilang lugar.
Aniya, tanging cracks lamag sa ilang gusali gaya ng paaralan, city hall at munispiyo ang kanilang naitala.
Gayunman, sinabi naman nitong mayroong ilang residente ang nagtamo ng minor injuries dahil sa mga nahulog na gamit dulot ng lindol.
Samantala, tiniyak rin naman ni Evardone na ligtas daanan ang lahat ng kalsada at tulay sa probinsiya sa kabila ng mga tinamo nitong mga bitak-bitak.
Sampu sugatan sa lindol sa Eastern Samar
Nakapagtala na ng sampung (10) sugatan ang Police Regional Office 8 kasunod ng pagtama ng magnitude 6.5 na lindol sa Eastern Samar.
Batay ito sa partial consolidated reports ng iba’t ibang police provincial offices sa Eastern Visayas hanggang ala-7 kagabi.
Ayon kay PRO-8 Director Brig. Gen. Dionardo Carlos, tatlo (3) sa mga napaulat na sugatan ay mula sa Catarman Northern Samar, isa (1) sa bayan ng Mondragon at isa (1) sa Catubig.
Dalawa (2) naman aniya ang sugatan mula sa falling debris sa bayan ng Matuguinao, isa (1) sa Catbalogan, isa (1) sa San Jorge at isang (1) bata na natapunan ng asido ng baterya sa Paranas sa Samar.
Sinabi ni Carlos, wala pa silang natatanggap na ulat hinggil sa posibleng nasawi, nawawala o natabunan bunsod ng lindol.
Patuloy din aniya ang pangangalap nila ng impormasyon sa pamamagitan ng kanilang disaster incident management task group katuwang ang DRRMC region 8 at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Sa panulat ni Krista De Dios