Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi dapat idinadawit ang isyu ng politika sa usapin ng umano’y maanomalya na flood control projects.
Ito ang tugon ni Pangulong Marcos makaraang hingian ng reaksyon sa ibinulgar ng Ibon Foundation na bilyones ng pondo sa mga proyekto ang napupunta sa mga distritong miyembro ng ruling party at mga kaalyado nito.
Sa press conference sa Malacañang, sinabi ng pangulo na sadyang malaki ang mapupunta sa Lakas dahil ito ang majority party na may pinakamaraming miyembro sa Kamara.
Pero binigyang-diin ng punong ehekutibo na hindi naman halaga ng salapi ang pinag-uusapan sa anomalya kundi kung paanong ginastos ang pondo.
Katwiran ng presidente, kahit naman sa kanila napunta lahat, kung maganda ang patakbo at magaganda ang nagawang mga proyekto ay walang problema.
Iginiit ng pangulo na ang kailangang malaman sa imbestigasyon ay kung magkano ang ninakaw na pera at sino ang mga dapat managot. —Sa panulat ni Jasper Barleta




