Tinawag na fake news ng Phil. National Police (PNP) ang ulat na may umiikot na puting van sa Metro Manila para manguha o mandukot ng bata.
Ito ang iginiit ni PNP Spokesman Brig. Gen. Bernard Banac matapos ang nangyaring pagdukot sa isang Chinese na babae sa Makati City noong Lunes, Disyembre 9.
Ayon kay Banac, taong 2016 pa lamang nang bantayan ng PNP ang ulat na mayroong van na nag-iikot sa mga lansangan upang mandukot ng mga bata para kunin at ibenta ang kanilang internal organs.
Aniya, batay sa kanilang cyber patrolling ay napatunayan na walang katotohanan ang mga ito.
Kaugnay nito, nilinaw naman ni Banac na ang mga kumpirmadong kidnapping reports ay may kaugnayan lamang sa Phil. Offshore Gaming Operators (POGO) at mga casino.