Inaantabayanan na lamang ng Department Of Health (DOH) na mag-sumite ang Philippine Red Cross (PRC) ng kanilang report kaugnay sa kanilang isinasagawang pag-aaral sa paggamit ng laway para sa COVID-19 testing, upang makita kung maaari itong gawin sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kahapon dapat magsusumite ng report ang PRC sa laboratory expert panel ngunit humingi pa ito ng mas maraming oras.
Inaasahan aniyang sa miyerkules na enero a-disi nuwebe, magpe-presenta ang red cross kaugnay sa kanilang isinagawang pag-aaral kaugnay sa saliva COVID-19 testing.
Dagdag pa ni Vergeire, oras na maaprubahan ng laboratory expert panel ang resulta sa pag-aaral ng PRC ay agad nila itong ipapasa sa health technology assessment council upang gumawa ng rekomendasyon.