Nakapasok na sa Pilipinas ang bagong variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito mismo ang kinumpirma ng Department of Health (DOH), kung saan natukoy ng Philippine Genome Center (PGC) ang pagpasok ng B.1.1.7 o mas kilala bilang COVID-19 UK variant sa bansa.
Ang pasyente ay isang Filipinong residente ng Quezon City na dumating sa bansa noong Enero 7 mula United Arab Emirates (UAE).
Sinabi ng DOH, na agad na isinailalim sa swab testing ang naturang pasyente pati na ang kasama nitong babae noong dumating ito sa bansa.
Paliwanag ng DOH, agad na nag positibo sa COVID-19 o SARS-CoV-2 ang Filipinong pasyente noong pagdating nito sa Pilipinas, gayong nag-negatibo naman ang kanyang kasama.
Gayunman, hindi naman agad nalaman na positibo ito sa bagong variant ng COVID-19 dahil ipinadala pa ang kanyang test results sa PGC para sa genome sequencing.
Sa ngayon, ikinasa na ng Quezon City government ang contact tracing para matukoy ang mga nakasalumuha nito.