Pinaalalahanan ng Malacañang ang mga may-ari ng tiangge na sumunod sa mga ipinatutupad na health protocols laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang naging reaksyon ni Presidential Spokesman Atty. Harry Roque matapos na mapaulat ang pagdagsa ng mga mamimili sa Divisoria at Baclaran, at hindi na nasusunod ang social distancing.
Ayon kay Roque, maari namang limitahan ang bilang ng mga papayagang makapasok sa tiangge at ang pagtatakda ng entry at exit points upang hindi magsiksikan ang mga mamimili.
Aniya, batid naman ng pamahalaan ang kahalagahan ng kita lalo pa’t malapit nang magpasko, ngunit hindi naman aniya dapat maisaalang-alang ang kaligtasan at kalusugan ng publiko.
Sinabi ni Roque na dapat na isaisip ng mga tiangge owners na maari silang mapasara sa kanilang mga paglabag sa health protocols at lalo itong mabigat para sa kanilang mga negosyo.