Tiniyak ng Inter-Agency Task Force on Emerging and Infectious Diseases (IATF-EID) na sapat hanggang tatlong buwan ang suplay ng pagkain sa buong bansa sa harap ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon kay IATF Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, tuloy-tuloy lamang ang pagdating ng mga suplay ng pagkain gaya ng mga manok, baboy, at gulay mula sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa.
Hindi rin aniya magkukulang ang suplay ng bigas sa mga susunod na buwan dahil nakatakdang mag-angkat ang bansa ng 300,000 metriko toneladang bigas.
Bukod dito, sinabi naman ni Agriculture Secretary William Dar na paparating na rin sa bansa ang 1.3-M metriko toneladang bigas mula sa Vietnam, Thailand at Myanmar.
Katunayan aniya, una nang nakarating ng bansa ang ini-angkat na 500,000 metriko toneladang bigas ng bansa.