Posibleng magpatawag ang senado ng special session para maiwasan ang pinangangambahang pagkaantala sa pagpasa ng 2021 national budget.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, isa ito sa kanyang nakikitang solusyon upang masunod pa rin ang timeline ng kongreso sa pagtalakay at pagpapasa ng P4.5T na panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon.
Naibahagi na aniya ang ideyang ito kay Executive Secretary Salvador Medialdea upang maikonsidera ang posibilidad ni Pangulong Duterte.
Nakausap na rin aniya si House Speaker Alan Peter Cayetano at nangako umano itong ipapasa ng kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang 2021 General Appropriations Bill sa muling pagbubukas ng kanilang sesyon sa Nobyembre 16.