Pag-iisipan pa ni Pasig City Mayor Vico Sotto kung haharap siya sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay Sotto, naipadala na naman niya kasi ang kaniyang tugon sa sulat ng NBI hinggil sa umano’y paglabag niya sa Bayanihan To Heal As Once Act.
Sa sulat ng NBI, iginigiit nitong may naging paglabag si Sotto dahil sa pagpapatuloy ng operasyon ng tricycle sa lungsod matapos ipatupad community quarantine sa Luzon.
Sinabi ni Sotto, agad naman niyang ipinahinto ang operasyon ng mga tricycle sa Pasig matapos na igiit ng gobyerno ang pagbabawal dito.
Dagdag pa ng Alkalde, Marso 19 nangyari ang isyu sa operasyon ng tricycle sa Pasig, gayong Marso 24 naman naisabatas ang Bayanihan To Heal As Once Act.
Samantala, sinabi pa ni Sotto, hindi pa niya tiyak kung haharap siya sa NBI sa Abril 7 dahil mistula aniya ‘sayang lamang sa oras’ kung personal pa siyang magtutungo sa NBI habang nasa gitna ng krisis ang bansa.