Hindi lang dapat puro satsat, dapat mayroon ding ginagawa.
Ito ang paalala ng kontrobersyal na bagong hepe ng pulisiya na si Maj. General Debold Sinas sa kanyang mga kabaro.
Sa naganap na Change of Command Ceremony, pormal nang nanungkulan bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) si Sinas matapos na ilipat nang mag-reretirong si Gen. Camilo Cascolan ang pamunuan ng Pambansang Pulisya.
Sinabi ni Cascolan, malaki ang tiwala niyang iiwanan niya sa mabuting kamay ang hanay ng pulisya.
Dahil dito, sinabi ni Sinas na bilang ama ng Pambansang Pulisya, simple lamang ang kaniyang kahilingan at ito ay ang pagiging tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Sinabi pa ni Sinas, bilang hepe ng Pambansang Pulisya, kabilang sa kaniyang mga tututukan ang pagsawata sa operasyon ng iligal na droga.
Si sinas ang ika-limang PNP chief na itinalaga ni Pangulong Duterte at ang kauna-unahang itinalaga mula sa Philippine Military Academy (PMA) ‘hinirang’ class of 1987 kung saan ang apat naman na PNP chief na unang itinalaga ng pangulo ay mula sa itinuturing na makapangyarihang ‘Sinagtala’ class of 1986.
Matatandaang naging kontrobersiyal si Sinas matapos siyang sorpresahin at haranahin ng kaniyang mga tauhan sa isang mañanita habang nakasailalim ang ncr sa enhanced community quarantine (ECQ) kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang maramihang pagtitipon.