Posibleng maghain ang Senado ng petisyon sa Korte Suprema hinggil sa pagbasura ng pamahalaan sa Visiting Forces Agreement (VFA).
Ayon kay Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson, ito ay upang matukoy ang totoong papel o tungkulin ng Senado sa naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kumalas na ang Pilipinas sa kasunduan sa pagitan ng bansa at ng Estados Unidos.
Sinabi ni Lacson, hindi kasi malinaw kung dapat pang dumaan sa Senado ang pag-kansela sa VFA kaya’t mas mabuti ng Korte Suprema mismo ang mag-klaro sa naturang usapin.
Una rito, sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na batay sa kanilang pag-aaral dapat dumaan sa concurrence ng Senado ang pag-atras ng bansa sa isang tratado.
Gayunman, batay naman konstitusyon, tanging sa ratipikasyon lamang ng kasunduan kailangan ang aksyon ng Senado.
Matatandaang, bago pa man ipadala ng pilipinas ang ‘notice of termination’ ng VFA sa Estados Unidos, pinagtibay ng Senado ang Senate Resolution 312 na naglalayong pag-aralan muna ang nilalaman ng VFA, bago ito kanselahin.