Pinapurihan ng Senado ang kabayanihan ng mga frontliners upang masugpo ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa isang senate resolution, kinikilala ng senado ang serbisyo, kabayanihan at katapangan ng lahat ng healthworkers sa bansa.
Kaugnay nito, binigyang pagpupugay din ng senado ang mga nasawing health workers dahil sa serbisyong ibinigay ng mga ito para sa bansa.
Sa ilalim ng Bayanihan To Heal As One Act, makatatanggap ng P100,000 ang lahat ng health workers mula sa pribado at pampublikong ospital na magpopositibo sa COVID-19.
Kaugnay nito, P1-M naman ang matatanggap ng pamilya ng mga health workers na nasawi dahil sa COVID-19.
Maliban pa ito sa hazard pay na itinakda sa ilalim ng republic act number 7305 o ang magna carta of the public health workers.
Sa pinaka huling tala ng Department of Health (DOH), nasa 2,311 na ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, 90 rito ang nasawi habang 50 naman ang nakarekober.