Bigo ang senado na maihabol ang pag-apruba sa Bayanihan 2 o ang Bayanihan to Recover as One act.
Ito ay matapos na mag-adjourn sine die na ang sesyon ng first regular session ng ika-18 kongreso, kahapon.
Ito ay makaraang hindi sertipikahan bilang ‘urgent’ bill ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bayanihan 2 na popondohan sana ng P140-bilyon na gagamitin naman para sa patuloy na pagtugon sa epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Sinasabi na sa pag-adjourn ng sesyon ay mawawalan din ng bisa ang Bayanihan to Heal as One act na nagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para mag-realign at mag-reallocate ng mga pondo.
Kaugnay nito, pinasalamatan naman ni Senate President Vicente Tito Sotto III ang mga senador kung saan kanya ring ipinagmalaki ang kanilang mga nagawa sa first regular session ng 18th Congress kabilang na nga ang pagpasa sa Bayanihan to Heal as One act, pati na ang pagpapaliban sa May 2020 barangay at SK elections.