Inaprubahan na ng Senado ang committee report na nagrerekumendang sampahan ng kaso si dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Nicanor Faeldon.
Ito ay matapos na madawit ni Faeldon sa kuwestiyunableng implementasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law matapos ang muntikang paglaya ni dating Calauan mayor at convicted rapist at murderer na si Antonio Sanchez.
Sa report na binalangkas ng apat na senate panel, kabilang na ang senate blue ribbon committee; senate committees on justice and human rights; constitutional amendments, at finance, inirekumenda ang pagsampa ng kasong paglabag sa anti-graft and corrupt practices act laban kay Faeldon.
Kabilang din sa mga pinakakasuhan sina BuCor records chief Ramoncito Roque, corrections senior insp. Benilda Bansil, corrections officer Veronica Buno, Dr. Ernesto Tamayo, Dr. Urcisio Cenas at nursing attendant Meryl Benitez.
Matatandaang noon lamang 2019 nang magsagawa ng pagdinig ang senado hinggil sa ‘GCTA for sale’ scheme kung saan tumatanggap umano ng pera ang ilang BuCor officials kapalit ng maagang paglaya ng bilanggo.
Kaugnay nito, nakasaad din sa report na nilabag ni Faeldon ang kautusan ng Department of Justice (DOJ) na kailangan munang aprubahan ng Justice secretary ang anumang maagang paglaya ng mga bilanggo.