Pinaalalahanan ng Department Of Health (DOH) ang publiko na wala pang rehistradong bakuna kontra COVID-19.
Ito ay kasunod na rin ng mga balitang may ilang opisyal na ng gobyerno ang naturukan na ng bakuna.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang mga distributor na magtatanggkang magbenta ng kanilang bakuna kahit hindi pa aprubado ng gobyerno ay maaaring maharap sa parusa.
Nakikiusap naman si Vergeire, na hintayin na munang matapos ang regulatory procedures bago magdistribute ng mga bakuna gayung ang pinag uusapan aniya dito ay ang buhay ng bawat Pilipino.
Giit rin ni Vergeire na ang mauunang mabibigyan ng bakuna ay ang mga “vulnerable” na pasyente at hindi ang mga “VIP”
Gayunman, maaari naman aniyang bumili ng bakuna ang pribadong sektor oras na maaprubahan na ito ng gobyerno.
Matatandaang, tila nadulas si Senate President Vicente Sotto III sa kanyang naging panayam sa DWIZ noong sabado na di umano’y nagpabakuna na kontra COVID-19 sina Senator Panfilo Lacson at House Majority Leader Martin Romualdez.