Muling ipinapaalala ng Joint Task Force (JTF) COVID Shield sa publiko na sundin pa rin ang mga initalag na panuntunan sa kabila ng mas maluwag na seguridad.
Ayon kay JTF COVID Shield Commander P/Lt. Gen Guillermo Eleazar, marami na kasing lumalabas ng kanilang mga tahanan dahil naiinip sa ipinatutupad na community quarantine.
Aniya, malaki ang posibilidad na mapabayaan ng publiko ang kanilang sarili ngayong nagluwag na ang seguridad kung kaya’t malaki ang tiyansa na kumalat pa lalo ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Dahil dito, pinapayuhan ni Eleazar ang publiko na sundin pa rin ang mga safety protocols gaya na lamang ng palagiang pagsusuot ng face masks, pagsunod sa physical distancing at pagpapanatili ng kalinisan sa katawan at kapaligiran.
Samantala, sa kabila ng mas pinaluwag na seguridad, tiniyak pa rin ni Eleazar na naka-alerto pa rin ang hanay ng pulisya sa paggampan ng kanilang tungkulin.