Hinihimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang publiko na i-report ang korapsyon na nangyayari sa loob ng mga ahensya ng gobyerno at magbigay ng anonymous tips.
Sa ulat sa bayan kagabi, sinabi ng Pangulo na nananatili pa rin ang korapsyon maliit man o malaki saan mang sulok ng ahensya ng gobyerno.
Iyong mga nasa window ng business permit, ‘yang mga clearances, papahirapan ang tao kaya ang sabi ko sa inyo, if you want to earn money, good money, ‘pag maganda ang kaso, malaki ang lugi sa gobyerno, report it to the person that you trust without giving your name and number,”pahayag ni Pangulong Duterte.
Binalaan naman ng Pangulo ang mga tao sa gobyerno na itigil na ang kanilang mga corrupt practices sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Huminto talaga kayo maski ngayon lang. Next administration, fine, balik kayo sa dati, wala akong pakialam pero sa ngayon, ‘wag kayo maghinanakit, ‘wag kayo magalit sa akin kasi ako galit din sa inyo,” ani ng Pangulo.
Muli namang binasa ni Pangulong Duterte ang mga pangalan mula sa listahan ng mga na-dismissed at kasalukuyang nahaharap sa kasong administratibo dahil sa mga katiwalian nito.
Asahan naman aniyang madaragdagan pa ito sa mga susunod pang mga linggo.