Dapat na makatanggap din ang mga guro ng laptop at internet allowance para sa pagpapatupad ng blended at distance learning.
Ito ang pinatitiyak nina Senadora Risa Hontiveros at Grace Poe sa pamahalaan sa harap nang ipatutupad na blended learning dahil upang makaiwas sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Poe, dapat na makatanggap ang mga guro sa mga pampublikong paaralan ng internet allowance kada buwan.
Aabot anya ito sa P1,500 kada buwan o katumbas ng P12.85-bilyon para sa 800,000 guro sa loob ng 10 buwan.
Nasa 4% lamang anya ito COVID-19 response loan ng Pilipinas.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Hontiveros na hindi makatarungan ang alok ng Government Service Insurance System (GSIS) na loan sa mga guro para makabili ng laptop.
Aniya, dapat na ibigay ito ng pamahalaan katulad na lamang nang pagbibigay ng pamahalaan ng baril sa mga sundalo.
Dagdag pa ng senadora, marapat lamang na matanggap ng mga guro ang makatarungang suporta mula sa pamahalaan lalo pa’t nasa gitna ng krisis ang pamahalaan.