Humihingi ng tulong ang Coordination Council of Private Educational Associations (COCOPEA) sa kongreso na isama ang mga private higher education institutions sa recovery assistance package.
Ayon kay COCOPEA Managing Director Joseph Noel Estrada, apektado rin ng pandemyang coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang mga nasa private higher education partikular na sa transition sa flexible learning, inter-connectivity at maging kawalan ng pondo.
Aniya, 30% ng mga estudyante sa private school ang walang access sa flexible learning materials at online learning.
Nasa 17% naman ang mga mag-aaral na hindi makakapag-aral sa ilalim ng flexible learning at 20% naman ng mga pribadong paaralan ang hindi makasasabay sa flexible learning mode.
Bukod pa dito, 26% rin ng guro mula sa pribadong sektor ang hindi nakatanggap ng sweldo sa kasagsagan ng quarantine.
Samantala, nangako naman si New Cluster Chairman Loren Legarda na makikipag-ugnayan sila sa DSWD upang maisama sa listahan ng recovery assistance program ang mga private higher education.